11/4/10

SANA---- ako nalang


Ang pag-ibig minsan parang isang eksena sa isang pelikula...
Minsan hindi mo inaasahan...

"Pupunta kaba? Kanina kapa nakatitig sa invitation card na yan, baka mamaya malusaw yan, ikaw din," si Maanne, bestfriend ko. Napatingin ako sa katapat na sofa na inuupuan niya at bahagyang napangiti.
"Hindi ko alam kung kakayanin kong makita siya.......  SILA...," pagdidiin ko pa sa huling salita.
"Ikaw pa rin naman ang magdedesisyon, Lizzie. Kung gusto mong ipakita sa kanya na masaya kana para sa kanya hindi masama kung pupunta ka. Nandito lang ako back-up mo," sabay ngiti niya't tapik ng balikat ko.
"Salamat Maanne..." matipid kong sagot sa kanya kasabay ng isang pilit na ngiti.


----
Hindi ako nakatulog ng gabing iyon, kahit anong gawin ko hindi ako dalawin ng antok.
Pagod na ang isip ko...
Pagod na rin ang mga mata ko sa pag-iyak...
Sa kabilang kama mahimbing ng natutulog ang kasama kong si  Maanne, samantalang ako heto't dilat na dilat pa ang mga mata. Ni hindi ko na ata alam kung paano matulog daig ko pang nakainom ng sangkaterbang sleeping pills.

Kinabukasan maaga akong umalis ng bahay, walang eksaktong lugar ng patutunguhan. Gusto kong libangin ang sarili ko, pero paano ko nga ba gagawin ang bagay na iyon? Hiniling ko din naman sa diyos na maging masaya siya pero hindi sa ganitong paraan na wasak na wasak ang puso ko.

Alas-nueve na at alas-diyes ang oras ng kanilang kasal. Kanina pa ako nakaupo sa parke at nakailang bili na din ako ng mineral water, kumakalam ang sikmura ko pero wala namang gana ang bibig ko sa mga masasarap na pagkain sa paligid. Gusto kong kalimutan na ito ang araw ng kanilang kasal pero isa akong malaking hangal dahil sino nga bang matinong tao ang pupunta sa lugar kung saan malapit lamang sa mismong simbahan kung saan gaganapin ang kanilang kasal. Pakiramdam ko dinadaya ko lamang ang sarili ko. Trenta minutos na ang nakakalipas, tumayo ako't nagpalakad lakad. Saan nga ba ako dadalhin ng mga paa ko. Maya maya napatingin ako sa isang simbahang nasa harapan ko. Hindi ko alam kung anong masamang hangin ang nagdala sakin sa harap ng lugar na ito. Bakit ba kailangan ko pang pasakitan masyado ang sarili ko, ang tanga tanga ko talaga. Dinala ako ng mga paa ko sa tapat ng simbahan kung saan ikakasal ang lalakeng pinakamamahal ko at ang babaeng nagdadala sa sinapupunan ng magiging anak niya.

Hindi ko alam kung dapat pa ba akong pumasok sa loob, kilangan ko ng nag-uumapaw na lakas na loob pakiramdam ko kasi anumang oras ay babagsak ako. Hindi lang ang isip at ang puso ko ang pagod, pati ang katawan ko pagod na pagod na. Mataman lang akong nakatitig sa labas ng simbahan, hindi ko alam kung dapat ko pa bang ihakbang ang mga paa ko papasok.

Nakarinig ako ng bahagyang ingay mula sa loob.
Pakiramdam ko may kung anong enerhiya ang tila ba humihila sa akin para pumasok sa loob. Wala sa sariling pilit hinahanap ng mga mata ko ang taong gustong gusto kong makita sa huling pagkakataon.

Si Sherwin...
Napansin kong may kung anong komosyon sa harap ng altar na para bang may pagtatalong nagaganap na hindi ko maintindihan, at dun nakita ko ang lalakeng pilit hinahanap ng mga mata ko. Ilang dipa ang layo niya mula sa akin. Maya maya'y napatingin siya sa direksiyon ko at nagtama ang aming mga mata. Bakas sa mukha niya ang lungkot na para bang nagkaroon ng kunting kasiyahan ng makita ako. Hindi ko alam kung bakit ganun pero bahagya siyang lumakad papalapit sa akin kaya naman minabuti ko ng lumabas sa lugar na iyon.
Hindi ganito ang gusto kong mangyari, ayokong gumawa ng anumang eksena.
Wala na akong karapatan.
Wala na.
Pero bago pa ako makalabas ng tuluyan narinig kong tinawag niya ang pangalan ko.

"Lizzie..."napahinto ako at napapikit, tulad ng dati hindi pa rin nagbabago ang paraan niya ng pagtawag sa akin. May lambing at punong-puno ng pagmamahal.

"Lizzie..." tama, ito na ang huling beses na maririnig ko ang ganoong pagtawag niya sa akin.
Ito na ang huli...
Gustong gusto kong humarap sa kanya, lapitan siya at sabihing "congratulations! I'm happy for both of you" pero alam kong pinaplastik ko lang ang sarili ko. Gustong gusto kong makita ulit ang mukha niya sa huling pagkakataon pero nagtatalo ang puso at ang isip ko. Gustuhin ko mang sundin kung anong sinasabi ng puso ko at maging masaya. Alam ko sa bandang huli, hindi pa rin sapat iyon. Magiging makasarili ako kung sarili ko lamang ang iisipin ko.

Sa isang banda dinig na dinig ko din ang pagtawag sa kanya ng babaeng pakakasalan niya.
"Sherwin..." tawag ng bride sa kanya, may bahagyang pagmamakaawa sa tono ng boses nito na para bang sinasabing bumalik ka dito at siya ang piliin nito. Pero hindi naman ako nakikipagkompetensiya sa kanya dahil alam kong talo na ko, masakit lang dun mahirap tanggapin ang pagkatalo ko.
Higit sa kanino man mas higit siyang kailangan ni Sherwin. Magkaka-anak na sila, at hindi ko gugustuhing sirain ang pamilyang ngayon palang mabubuo.

"Paalam," doon tuluyan ng dumaloy ang masaganang luhang kanina ko pa pinipigilan. Mahal man namin ang isa't isa, hindi naman mababago nun ang katotohanang "ito ang araw ng kasal niya" at ang araw din ng pagkamatay ng puso ko.
Mabibigat na hakbang na nilisan ko ang lugar na iyon.
Ni hindi ako lumingon, dahil baka kapag nakita ko siya tumakbo akong papalapit sa kanya at yakapin siya ng mahigpit. Hindi naman mababago ng paglingon ko sa kanya ang nangyayari ngayon. Hindi naman nito maibabalik ang pinakammahal ko.

Dahil ang istorya namin ay nagtatapos sa mismong araw na ito.

Ang pagtatapos ng isang pagmamahalang hindi pa man nagsisimula ay nagkaroon na ng katapusan.

-end-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento