11/24/10

tanung sa sarili...

This past few weeks hindi na naman ako masyadong makatulog...
In short sinusumpong na naman ako ng insomia...
Tapos ang dami dami ko pang naiisip kahit na hindi naman na dapat isipin...
Ito kasing si isip eh ubod ng pasaway...
Sabi ko ng tama na at napapagod na kong mag-isip eh...
Buti ba sana kung ung naiisip ko eh iniisip din ako dba? Its unfair!!!

May mga pinagsisisihan kaba sa mga desisyon mo? kung pwede mong ibalik ang oras na iyon anong gagawin mo?
Sa totoo lang madami akong pinagsisihan... Kaso naisip ko kung habang buhay ko nalang iisipin ung mga regrets ko, wala lalong mangyayari sa buhay ko. Tsaka blessing in disguise na din kasi wala sana sa buhay ko ung mga kaibigan ko ngayon. Mas maganda kung titingnan mo sa magandang anggulo ung mga nangyari sayo kesa pagsisihan kung anuman ung mga hindi mo nagawa. Kasi ung mga nangyari sa nakaraan ay nagbibigay naman sa akin ng magandang aral at masayang ala-ala.
Hindi ko na iisipin kong anong pwede kong gawin kung pwede kong ibalik ung oras kasi babalik na naman ako sa step 1... Ayoko ng mag-isip.

Major major regrets?
Iyong time na nagsimula akong hindi maniwala sa second chance at pinairal ang pride.

Nung time na nagkita kayo ni first bf / ex after 5 years, anong nafeel mo?
Major major kaba... As in pakiramdam ko kasali sa marathon ang puso ko at parang lalabas na siya sa katawang lupa ko. 

Masaya ka bang makita siya?
Oo na hindi... Oo kasi after so many years nagkita kami na akala ko hindi na dahil ayoko naman talaga. Hindi kasi ayoko lang nung pakiramdam na para bang may something pa sa kaibuturan ng aking wagas na puso. Kasi alam ko committed na siya sa gf niya. At ayoko nung pinaparamdam niya sakin na parang walang nagbago. I hate it...

Mahal mo pa ba?
Ang plastik ko kung sasabihin kong wala na akong nafefeel kahit na alam kong meron parin pala na akala ko eh wala na. 

Bakit hindi ka naniniwala sa second chances?
Ung totoo naniwala naman ako noon sa second chances kaso parang umasa lang ako sa wala. Kaya ayoko ng maniwala sa salitang un. Once na niloko ka na may tendency pa din na maulit un... Siguro masyado lang akong duwag dahil hindi ko kayang magtake ng risk. Natatakot akong masaktan na naman at umasa...

May hinihintay kaba?
Siguro... Hindi ko alam kung ano o kung meron nga o kung ano man iyon. Ayoko nga ng feeling ng naghihintay mainipin ako eh...pero ewan nga ba?

Sa palagay mo ba kapag napalitan ang puso ng tao may tendency na magbago rin ung nararamdaman niya?
Nung minsang may mapakinggan akong love story na nagpa-heart transplant ang bf niya at simula noon eh nagbago na ito sa kanya. Napaisip ako ng bonggang bongga. Natanung ko pa nga ung isang kaibigan ko sabi niya siguro daw kasi un ang nakakaramdam pero ewan ko nga naguguluhan din ako. 

Ikaw ano sa palagay mo?

SMP

Kamusta naman???
Namiss ko daw ang pagboblog...
Wala kasi akong maisip na isulat... inaabot ako ng katam...
Tsaka.. tsaka... nakakatamad mag-isip...
Mali pala... pagod lang ang isip ko sa kakaisip...

Pamilyar ba kayo sa nestea commercial?
Oo... un nga... ung may to the left to the left...
Sa totoo lang natatanga ako kapag napapanood ko un...
D ko kasi maisip kung bakit may factor na 'ung ilong naman niya to the left to the left'... (sorry naman tanga lang)
Pero sa kabuuan? natutuwa ako sa commercial na un..
Oo nakakatawa siya... parang tanga lang kasi....

Sabi ng lalake dun ayaw niyang maging member ng SMP in long term Samahan ng Malalamig ang Pasko...
Tugsh.... bonggang bonggang sapulso... as in bulls eye...

Ako din naman ayoko ng maging member nun kaso wala akong choice eh... charing lang...

Pero ayon sa aking masusing pananaliksik (may masabi lang)...
Hindi naman purket may bf eh hindi na malamig ang pasko mo....
May kakilala nga ko may bf nga pero ganun pa din naman...
Mas malamig pa kamo ang pasko niya...
Dahil si jowa eh nanlalamig na talaga....


Ang tanung....
Are you one of us???

11/4/10

SANA---- ako nalang


Ang pag-ibig minsan parang isang eksena sa isang pelikula...
Minsan hindi mo inaasahan...

"Pupunta kaba? Kanina kapa nakatitig sa invitation card na yan, baka mamaya malusaw yan, ikaw din," si Maanne, bestfriend ko. Napatingin ako sa katapat na sofa na inuupuan niya at bahagyang napangiti.
"Hindi ko alam kung kakayanin kong makita siya.......  SILA...," pagdidiin ko pa sa huling salita.
"Ikaw pa rin naman ang magdedesisyon, Lizzie. Kung gusto mong ipakita sa kanya na masaya kana para sa kanya hindi masama kung pupunta ka. Nandito lang ako back-up mo," sabay ngiti niya't tapik ng balikat ko.
"Salamat Maanne..." matipid kong sagot sa kanya kasabay ng isang pilit na ngiti.


----
Hindi ako nakatulog ng gabing iyon, kahit anong gawin ko hindi ako dalawin ng antok.
Pagod na ang isip ko...
Pagod na rin ang mga mata ko sa pag-iyak...
Sa kabilang kama mahimbing ng natutulog ang kasama kong si  Maanne, samantalang ako heto't dilat na dilat pa ang mga mata. Ni hindi ko na ata alam kung paano matulog daig ko pang nakainom ng sangkaterbang sleeping pills.

Kinabukasan maaga akong umalis ng bahay, walang eksaktong lugar ng patutunguhan. Gusto kong libangin ang sarili ko, pero paano ko nga ba gagawin ang bagay na iyon? Hiniling ko din naman sa diyos na maging masaya siya pero hindi sa ganitong paraan na wasak na wasak ang puso ko.

Alas-nueve na at alas-diyes ang oras ng kanilang kasal. Kanina pa ako nakaupo sa parke at nakailang bili na din ako ng mineral water, kumakalam ang sikmura ko pero wala namang gana ang bibig ko sa mga masasarap na pagkain sa paligid. Gusto kong kalimutan na ito ang araw ng kanilang kasal pero isa akong malaking hangal dahil sino nga bang matinong tao ang pupunta sa lugar kung saan malapit lamang sa mismong simbahan kung saan gaganapin ang kanilang kasal. Pakiramdam ko dinadaya ko lamang ang sarili ko. Trenta minutos na ang nakakalipas, tumayo ako't nagpalakad lakad. Saan nga ba ako dadalhin ng mga paa ko. Maya maya napatingin ako sa isang simbahang nasa harapan ko. Hindi ko alam kung anong masamang hangin ang nagdala sakin sa harap ng lugar na ito. Bakit ba kailangan ko pang pasakitan masyado ang sarili ko, ang tanga tanga ko talaga. Dinala ako ng mga paa ko sa tapat ng simbahan kung saan ikakasal ang lalakeng pinakamamahal ko at ang babaeng nagdadala sa sinapupunan ng magiging anak niya.

Hindi ko alam kung dapat pa ba akong pumasok sa loob, kilangan ko ng nag-uumapaw na lakas na loob pakiramdam ko kasi anumang oras ay babagsak ako. Hindi lang ang isip at ang puso ko ang pagod, pati ang katawan ko pagod na pagod na. Mataman lang akong nakatitig sa labas ng simbahan, hindi ko alam kung dapat ko pa bang ihakbang ang mga paa ko papasok.

Nakarinig ako ng bahagyang ingay mula sa loob.
Pakiramdam ko may kung anong enerhiya ang tila ba humihila sa akin para pumasok sa loob. Wala sa sariling pilit hinahanap ng mga mata ko ang taong gustong gusto kong makita sa huling pagkakataon.

Si Sherwin...
Napansin kong may kung anong komosyon sa harap ng altar na para bang may pagtatalong nagaganap na hindi ko maintindihan, at dun nakita ko ang lalakeng pilit hinahanap ng mga mata ko. Ilang dipa ang layo niya mula sa akin. Maya maya'y napatingin siya sa direksiyon ko at nagtama ang aming mga mata. Bakas sa mukha niya ang lungkot na para bang nagkaroon ng kunting kasiyahan ng makita ako. Hindi ko alam kung bakit ganun pero bahagya siyang lumakad papalapit sa akin kaya naman minabuti ko ng lumabas sa lugar na iyon.
Hindi ganito ang gusto kong mangyari, ayokong gumawa ng anumang eksena.
Wala na akong karapatan.
Wala na.
Pero bago pa ako makalabas ng tuluyan narinig kong tinawag niya ang pangalan ko.

"Lizzie..."napahinto ako at napapikit, tulad ng dati hindi pa rin nagbabago ang paraan niya ng pagtawag sa akin. May lambing at punong-puno ng pagmamahal.

"Lizzie..." tama, ito na ang huling beses na maririnig ko ang ganoong pagtawag niya sa akin.
Ito na ang huli...
Gustong gusto kong humarap sa kanya, lapitan siya at sabihing "congratulations! I'm happy for both of you" pero alam kong pinaplastik ko lang ang sarili ko. Gustong gusto kong makita ulit ang mukha niya sa huling pagkakataon pero nagtatalo ang puso at ang isip ko. Gustuhin ko mang sundin kung anong sinasabi ng puso ko at maging masaya. Alam ko sa bandang huli, hindi pa rin sapat iyon. Magiging makasarili ako kung sarili ko lamang ang iisipin ko.

Sa isang banda dinig na dinig ko din ang pagtawag sa kanya ng babaeng pakakasalan niya.
"Sherwin..." tawag ng bride sa kanya, may bahagyang pagmamakaawa sa tono ng boses nito na para bang sinasabing bumalik ka dito at siya ang piliin nito. Pero hindi naman ako nakikipagkompetensiya sa kanya dahil alam kong talo na ko, masakit lang dun mahirap tanggapin ang pagkatalo ko.
Higit sa kanino man mas higit siyang kailangan ni Sherwin. Magkaka-anak na sila, at hindi ko gugustuhing sirain ang pamilyang ngayon palang mabubuo.

"Paalam," doon tuluyan ng dumaloy ang masaganang luhang kanina ko pa pinipigilan. Mahal man namin ang isa't isa, hindi naman mababago nun ang katotohanang "ito ang araw ng kasal niya" at ang araw din ng pagkamatay ng puso ko.
Mabibigat na hakbang na nilisan ko ang lugar na iyon.
Ni hindi ako lumingon, dahil baka kapag nakita ko siya tumakbo akong papalapit sa kanya at yakapin siya ng mahigpit. Hindi naman mababago ng paglingon ko sa kanya ang nangyayari ngayon. Hindi naman nito maibabalik ang pinakammahal ko.

Dahil ang istorya namin ay nagtatapos sa mismong araw na ito.

Ang pagtatapos ng isang pagmamahalang hindi pa man nagsisimula ay nagkaroon na ng katapusan.

-end-

May makwento lang....

Noong nakaraang araw isinama ng kapatid ko sila mudra na pumunta ng S.M Fairview. Ako dapat sana ang isasama niya dahil gagawin ata akong chaperon, pero dahil sa tinatamad ako at wala akong kadatungan eh ndi na ako sumama kaya ang siste mukhang nacancel ang date niya (bwahahaha).

Naggrocery lang naman sila tapos ikot-ikot lang hanggang sa magsakitan na ang mga paa nila at magutom ang mga anaconda nila sa tyan. At ayun ang highlight sa grocery ang kapatid kong si loven (lalake po yan). Dahil sa gutom eh pinilahan lahat ng free taste, walang keber kung maiwan siya. Buti sana kung may pamasahe siya samantalang walang dalang pera ang mokong. At ayun kinabahan daw nung hindi na makita sila mama buti na lang at magaling maghanap.

Pagkatapos naman nilang maggrocery nakita ni mudra ung zagu, nacurious sa lasa dahil d pa daw siya nakatikim nun kaya nagpabili kay sisteret ko. Naibigay na ni kapatid ang zagu. Isa kay loven at isa kay mudra. Ang loven walang keber basta todo sip-sip at ng mapatingin kay mudra laking gulat niya daw na tinatanggal ni mudrakels ang cover sa zagu, as in hirap na hirap(buti nalang ndi ako kasama). Pagkatapos saka nilagay ang straw. Ang siste baliktad pa ang pagkakalagay ng straw, kaya naman sinabi ni loven un kay mudra. Eto namang si mudra eh sadya talagang adik biruin mong binaliktad ulit ang straw kung kilan paubos na...

Pagkauwi nila ng bahay todo kwento ang kapatid ko na may kasama pang action parang nanonood lang kami ng pelikula... Pati si mama ang bongga bongga magkwento, mas magaling pa sa pagkakakwento ko dito. Habang kumakain tuloy kami puro tawanan ang nangyari...

Minsan werdo talaga si mama... Nakakahiyang nakakatawa...
Pero kahit ganun I LOVE YOU MUDRA...