Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kamatayan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kamatayan. Ipakita ang lahat ng mga post

8/27/10

TERMINAL

Nagsimula ng pumatak ang ulan. Mula sa labas ng sinasakyan ko ay kitang kita ang mga taong nagmamadaling nagtatakbuhan para may masilungan dahil tulad ko wala rin silang dalang payong. Sa tuwing uulan hindi ko na kailangan pang mamroblema dahil alam kong hinihintay mo ako. Hindi na rin ako nagugulat sa tuwing makikita kita sa may terminal ng sakayan at sinasalubong ako ng ngiti.

"Hindi ka na naman nagdala ng payong, alam mo namang tag-ulan na. Pano na lang kung hindi kita susunduin siguradong para kang basang sisiw niyan," sermon mo sa akin.

"Nakalimutan ko kasi...," ngingiti-ngiting sagot ko sayo.

"Pasalamat ka may mabait kang boyfriend."

"Thank you Lord, binigyan niyo ko ng isang mabuting boyfriend."
Ngingitian mo lang ako.

----

"Miss, hindi ka pa ba bababa?"

Nagising ako sa boses ng driver.

"Pasensiya na po, bababa na ko."

Pagkababa ko sa jeep, nakita kitang kumakaway mula sa di-kalayuan na nakangiti sakin, may dala-dala kang payong. Patakbo kong tinungo ang lugar na kinatatayuan mo. 
Isa...
dalawa...
tatlo...
apat... malapit na ko sayo.

lima...

anim...

pito...

walo... 

Pero bakit ganun? Habang palapit ako ng papalapit sayo, unti-unti kang nawawala sa paningin ko, kasabay ng pagbagsak ng mga luha sa mga mata ko.

Hindi na nga pala kita makikita kahit kailan...



Dahil wala kana...


Wala ka na sa mundong ito...

8/9/10

PUTING KAHON

Nakatingin lamang siya sa isang nakapikit na katawan ng isang bente tres anyos na dalaga. Nasa loob ito ng isang tila ba kahon na kulay puti ang kulay at may salamin na nakikita ang katawan ng babae. Sa itsura nito tila ba mahimbing itong natutulog mula sa isang napakagandang panaginip. Maaliwalas ang mukha nito, nakasuot ng puting damit na tila ba isang diwata at kitang kita ang kolorete sa kanyang mukha.

Tahimik lamang ang may edad na babaeng nakatingin sa salamin. Puno ng kalungkutan ang kanyang mga mata at tila nanggaling sa ilang araw na pag-iyak at puyat. Halos hindi makausap at hindi mapakain. Maya maya'y unti-unti na namang nagbagsakan ang luhang kanina pa pinipigilan ng babae.
Tulala at walang imik...
Ni hindi niya gustong umalis sa tabi ng puting kahon na pinalilibutan ng mga ilaw.
Wala siyang ginawa kundi ang bantayan ito na para bang anumang oras ay mawawala ito sa kanya. Ni isang saglit ay ayaw niya itong mawala sa kanyang paningin...

Sa paningin ng isang inang nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak.