Kanina habang naglalakad ako papauwi, nakasalubong na naman kita. Mag-isa ka lang naglalakad tulad ko. Sa itsura mo, mukhang napakasuplado mo at para bang nakakailang kang kausapin pero kahit ganun ang lakas ng dating mo sakin. Ito na siguro ang pang labin-limang beses na pagtatagpo ng landas natin. Nacucurious na nga akong malaman kung anong pangalan mo. Kaso alam ko naman na para sayo isa lamang din akong estranghero katulad mo sakin. Maaaring madalas magtagpo ang landas natin pero gaya ko napapansin mo din kaya ang isang tulad ko? Binibilang mo din kaya kung ilang beses na tayong nagkakasalubong? Naiisip mo din kaya ang iniisip ko sayo?
Sa tuwing uuwi ako galing sa skul, lagi nga akong excited eh. Kasi siguradong makakasalubong na naman kita. Akala nga ng mga classmates ko, may susundong boyfriend sakin dahil abot tenga daw ang ngiti ko. Ngingitian ko lang sila pagkatapos nun nagmamadali na kong sumakay sa sakayan baka kasi mahuli ako ng isang minuto at hindi kita makita. Pihidong malulungkot ako nun. Ewan ko ba pero sa ngayon kasi makita lang kita masaya na ako. Masayang masaya...
Eksaktong 5:30 ng hapon nakababa na ko ng sasakyan at naglalakad na ako papasok ng village. Binagalan ko ng maglakad pero ni anino mo hindi ko nakita. Halos araw-araw ganitong oras papalabas kana ng village samantalang papasok naman ako pero bakit ngayon wala ka pa rin? Nasaan ka na ba? Ibig bang sabihin nito hindi kita makikita?
Pinagmasdan ko ang langit, unti unti itong nababalutan ng kadiliman katulad ng lungkot na nararamdaman ko ngayon. Nagsimula ng pumatak ang ulan, kasabay ng pagpatak ng luha ko. Bakit nga ba ko umiiyak? Samantalang hindi naman kita kilala at ganun ka din sakin. Ni hindi mo nga napapansin na nag-eexist ako sa mundong ito. Ni hindi ko nga alam kung saan ka nakatira, kung anong pangalan mo at lahat ng mga simpleng bagay tungkol sayo. Ang alam ko lang masaya ko sa tuwing nakakasalubong kita kahit na para sa iba ang ngiti mo.
Nagmamahal,
Ms. Stranger
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento